(Simple, Totoo, at sa wikang Tagalog)

Kasama Ba Talaga sa Buhay ang Pagsubok?
Hindi ka tunay na tao kung hindi ka nakararanas ng mga pagsubok o challenges sa buhay. Marami sa atin ang pipiliing ipagpalit ang mga pagsubok o challenges sa mga mas masaya o mas ‘good vibes’ na experience o kaganapan, kesa harapin ang isa na namang pagsubok, pero alam din nating lahat na ito ay hindi posible. Minsan, kung talagang pag-iisipan natin, mas may halaga at mas malaki ang value ng mga pagsubok o challenges na dinaranas natin kaysa sa mga masaya o good expriences. Bakit?
- Sa mga pagsubok lumalawak ang ating pagintindi sa buhay.
- Sa mga challenges natin mas nakikilala ang ating sarili.
- Sa mga pagsubok tayo natututo ng mga life-lessons na tutulong at magpapagaang sa ating pamumuhay.
- Sa mga challenges natin pinapalawak ang pagpapahalaga sa ating mga nararanasan at natatanggap, maliit man ito o malaki.
Tuwing dumadaan tayo at nalalampasan natin ang mga kinakaharap nating pagsubok dinadagdagan nito ang ating karanasan at kaalaman. Nagsisilbing teacher ang mga ito na nagtuturo sa atin na ang ating mga pinipili, sinasabi, at ginagawa – ay may mga “consequences” o kahihinatnan.
Tinuturuan tayo nitong maging mas maingat. Natututunan nating pumili ng mas mabuti. Sinasanay tayo nitong pag-isipan ng mas matagal ang mga bagay na sensitibo sa ating buhay para makasigurong wasto o tama ang ating ginagawa.
Pero Tao Lang Tayong Lahat
Ok, andun na tayo. May importanteng ginagampanan ang mga pagsubok o challenge sa buhay nating lahat. Pero hindi rin natin maitatago ang katotohanan na ang mga ito ay:
Isang malaking hassle. Istorbo. Inconvenience.
May dalang bwiset. Nakaka-irita. Nakakalungkot.
Nakaka-disappoint, nakapanlulumo, at minsan nakaka-gigil.
At dito rin naka base kung gaano katagal o kabilis nating malalampasan ang mga kinakaharap nating pagsubok o challenge. Normal lang na magkaroon tayo ng initial reaction na tulad ng mga nabanggit sa itaas, pero kung gaano katagal tayong mananatili sa ganitong reaction o estado ang magiging dahilan ng tagal o bilis ng ating pagharap at paglampas sa mga ito.
Hindi masama ang pagkakaroon ng initial reaction na gaya ng mga nabanggit, tulad nga ng nasabi – normal lang ito. Pero ang hindi normal ay ang manatili sa ganitong reaction ng mas matagal sa nararapat. Ang ilang oras o isang araw, (depende sa kinakaharap na pagsubok) ay sapat na para damhin ang unang reaction, pero dapat itong bigyan agad ng hangganan.
Tapos na Sa Reaction? Ok Action Naman!
Madaling sabihin na aksyunan ang pagsubok o problema, pero magpakatotoo tayo. Hindi lahat kayang umaksyon agad. Minsan kailangan natin ng motivation o encouragement para humakbang. At ang una nating kailangang gawin ay baguhin kung paano natin tinitignan ang mga ito.
Mas humihirap at bumibigat ang kahit anong bagay kung kinakabitan natin ito ng ‘negative emotion o feeling’ kailangang i-isangtabi muna natin ito at sabihin sa ating sarili na ang mga pangyayaring ito ay pinagdadaanan ng lahat sa mundo, bata man o matanda, mahirap man o mayaman.
Ang pagharap natin dito ng may malinaw na kaisipan ay magiging dahilan ng ating sariling pag-unlad (personal growth), paglawak ng ating kaisipan (expansion of the mind), pagpapatibay ng ating personalidad (strengthened character). Dito nangyayari ang pagbabago ng ating ‘mindset’ na magiging dahilan kung bakit mas gagaang at dadali ang ating pagharap sa pagsubok o challenges.
Ang Limang Praktikal na Hakbang sa Pagharap sa Pagsubok o Challenges
- Suriin ang sarili at tanungin: Ano ang naging kontribusyon o responsibilidad ko sa kinakaharap kong pagsubok o challenge? Dinulot ba ito ng aking sariling habits o gawi? O ng aking pag-uugali at nakasanayan? Ng sarili kong pagpili, sinabi, o desisyon?
Minsan naman, kailangan din nating suriin kung nasa sa atin ba ang buong responsibilidad sa ating kinakaharap, o kung ito ay responsibilidad ng iba na ipinapasa sa atin. Mahalagang alam natin ang pagkakaiba nito para maiwasan din nating umako ng pagkakamali ng iba. - Tanggapin, O i-acknowledge ang sitwasyon. Ito ang pangalawa, at crucial na hakbang. Kung nasa matinding state of denial, o dine-deny, o di kaya nire-reject mo sa isip ang kinakaharap mo, ilalayo ka nito sa solusyon. Ang pagtanggap sa sitwasyon ang nagbubukas ng daan para makapag-isip ng mga tamang hakbang para mai-ayos ito.
- Alamin ang mga Kailangang Gawin. Madalas, may idea na tayo kung ano ang dapat nating gawin, pero hindi tayo sigurado. Dito tayo dapat lumapit sa mga taong may karanasan na sa ating pinagdadaanan, o humingi ng advice sa mga taong maaring makatulong. Magresearch kung kinakailangan at isulat ang mga idea para solusyonan ang ano mang kinakaharap.
- Gawin ang Kinakailangan. Hindi sapat na alamin lang ang dapat gawin – syempre mas mahalaga ang gawin ang mga ito. Gawin ito ng may commitment hanggang dulo. Dito mag-iiwan ng bakas sa iyong kaisipan ang pinagdadaanan mong pagsubok. Habang ginagawa mo ang dapat, dito lalalim ang pagbabago na magmumula sa sarili mong effort. Dito tayo nagtatanda sa ating pagkakamali. Dito nagsisimulang magbago ang ating pag-uugali at habits para maiwasang maulit ang ating pinagdadaanan.
- Manatiling Kalmado Habang Dumadaan sa Pagsubok. Napaka importanteng manatiling may kapayapaan sa sarili habang dumadaan sa problema o challenges. Ito ay nagbibigay daan para magkaroon ng tiwala at pag-asa na ang lahat ay lilipas at magiging maayos dahil ginagawan natin ng paraan at solusyon.
Wastong Mindset = Kakayanin Ang Lahat
Tamang “mindset” ang magbibigay sa atin ng kahandaan para humarap at tumayo sa kahit anong pagsubok. Ito ang gagawa ng paraan para malampasan natin ang mga challenges, issues o problema na maaari nating kaharapin sa ating buhay.
Hindi madali ang ibaling ang ating focus sa mga mabubuting idudulot ng pagharap natin sa mga ito pero kung magagawa natin ito sa umpisa, mas magiging magaan ang ano mang kahaharapin natin.
Pakatandaan natin na ang ikagagaling at ikauunlad ng ating buhay at pagkatao ay nakasalalay sa mga ARAL na natututunan at tinantandaan natin sa tuwing tayo ay dadaan sa mga suliranin. Ang bawat isa sa atin ay dapat tandaan ang bawat aral at magtanda sa bawat pagkakamali para makaiwas sa pag-ulit ng mga mahirap na karanasan.
Tayong lahat ay may tungkulin na palaguin at pagtibayin ang ating sarili habang tayo ay nabubuhay sa mundong ito. Habang dumadami ang ating natututunang aral na nakakapagbago sa ating ugali at pananaw sa buhay, itinutuwid natin ang sarili nating landas. Isang malaking grasya ang tumanda ng may karunungan (wisdom) na nagdudulot din ng marami pang mabuting bagay sa buhay. Ang mga humaharap at natututo sa pagsubok ay tumatayo ng may tiwalang karapatdapat sila sa minimithing pag-angat, at kakampi nila ang kaloob sa kanilang buhay at kabutihan.
