
Hindi Maipaliwanag na Pangamba
Anxiety o parang takot na hindi mo naman din alam kung saan galing o kung bakit mo nararamdaman. Marami sa atin ang nakakaramdam nito, at iba-iba ang epekto nito sa bawat taong nakaka-experience ng ganito. Iba-iba rin ang reaksyon o sagot ng ating isip sa tuwing mangyayari ito. Sa iba, madali ang dedmahin ito at ipagpatuloy ang anumang gawain. Kaya nilang ituloy ang araw at ang kung ano mang activity o trabaho na dapat gampanan para sa araw na iyon sa kabila ng pagkakaroon ng anxiety o pagka-balisa. Sa iba naman, may hirap ang pagpapatuloy ng mga gawain. Nagagawa pa rin, pero may bigat o tinatawag na ‘uneasy’ na pakiramdam habang tinutuloy ang araw. Meron namang iba, na sa bigat at sidhi ng nararamdamang anxiety o pangamba na hindi na nakukuhang lumabas pa o kumilos, at mas gugustuhing itulog na lang o palipasin ang nararamdaman, gamit ang anu mang paraan: gaya ng social media, games, pag-inom ng alak o pagkain na pwedeng magdistract o mag-alis o pababain ang anxiety na nararamdaman pansamatala.
Disclaimer:
Hindi po ako Psychiatrist or Psychologist, at para po sa mga taong nagkakaroon ng issues sa pagharap sa pang araw-araw na buhay dahil sa anxiety, mahalaga ang kumonsulta at magpatingin sa isang mental health professional para matulungan ang kondisyon at magkaroon ng daan tungo sa paggaling. Sa Pilipinas, sensitibo at may stigma ng kahinaan na nakakabit sa ‘anxiety’, hindi na ito kasing sidhi gaya noon, salamat sa tumataas na awareness ng lipunan, pero hindi ito sapat. Ang blog post na ito ay isinulat para makatulong sa pag-aalis ng negatibong paningin sa anxiety at sa mga nakararanas nito, at mas palawakin pa ang pag-uusap tungkol dito.
Anxiety. Pangamba. Takot.
Pag may anxiety ka o takot na hindi mo maipaliwanag, iyan pa lang, issue na sa sarili mo, pero madalas may mga pumapatong pa dito.
Una – iisipin mo na siguro may mali sa iyo. Dadagdag ito sa listahan ng mga insecurities mo dahil kung wala namang dapat ipag-alala, bakit ka nangangamba?
Pangalawa – nababawasan ang focus at concentration mo sa mga mahahalagang bagay na kailangan mong gawin at tapusin. Imbis na mai-tuon mo ng buo ang isip at katawan sa gawain, madalas hati ka (divided consciousness) – at hindi mo ramdam ang ginagawa mo.
Pangatlo – mapapansin mo na mas mataas ang level ng pagod na normal mong nararamdaman sa araw-araw na paggawa. At kahit may sapat kang pahinga at tulog, may parang bitbit ka na hindi mo maibaba at maiwan.
Pinagmulan o Sanhi ng Anxiety
Pero saan ba talaga nanggagaling ang anxiety? Paano ka nagkakaroon ng pangamba o kaba na hindi mo maipaliwanag o hindi ka sigurado kung ano ang pinanggalingan? Ano ang mga nagiging “trigger” nito?
- Mga hindi naresolbahang emosyonal na trauma o mapait na karanasan. ( na madalas ay mula pa sa pagkabata ) Ang mga nakaraang pisikal, mental, o emosyunal na trauma na hindi lubos na na-i-process o naresolba sa isip ng isang tao ay nagiging sanhi ng ‘anxiety’.
- Ang pagka-abandona (abandonment) na hindi lamang pisikal na pag-iwan sa isang tao ay isa ring sanhi nito, lalo sa iniwan. Ang pag abandonang emosyunal (emotional abandonment) o pag-iwan at di pag pansin, o pagmamaliit sa mga pinagdaraanang emotional na hirap at karanasan lalo na sa pagka bata, ay pinagmumulan din ng pag-aalinlangan o insecurity sa pagtanda.
- Ang kawalan ng malalim at matatag na relasyon (emotional connection & relationship – sa pamilya, kaibigan, partner o asawa, o pananampalataya ) ay pinagmumulan din ng ‘anxiety’ lalo at dahil ang bawat indibidwal ay sadyang dapat na may matibay na relasyon upang mabuo ang pagkatao at purpose sa buhay.
- Ang mga kaganapan na nakaka-apekto sa pangkalahatan, na nagyayari sa komunidad (society, local events) at sa mundo (world events) ay isa rin sa mga maaaring pagmulan ng hindi maipaliwanag na kaba o takot. Ang mga araw-araw na balita sa Social Media apps, TV, at radyo, na madalas, ay puno ng lahat ng mali at masama, at marahas na pangyayari sa paligid at sa mundo.
- Mga bagay na madalas nakikita at binabalikan sa social media at fina-follow sa apps, lalo na kung ito ay ginagamit bilang batayan sa antas o uri ng buhay ng follower o ng mga manonood, ay pinagmumulan din ng dagdag na insecurity at anxiety. Kung ang karangyaan, ganda, at husay ng mga posts sa social media ay hindi lubos na naiintindihan na ‘curated’ o sinadya, bilang paraan ng pagbenta ng isang produkto o ideya ng nanonood nito, maaari niya itong gawing sukatan ng estado sa buhay, na maaaring pagmulan ng pagkadismaya sa sarili o ng pagmamaliit sa sariling kakayanan at husay.
Technology, Social Media, at ang Anxiety
Malaki ang dulot na advancement at tulong ng technology sa mga gumagamit nito. Pero minsan, mapapansin na habang lumalawig ang kapangyarihan at gamit ng technology sa mundo, kaakibat nito ang kabawasan o kawalan ng buo at matibay na pagkilala sa totoong sarili o ang tinatawag na ‘true sense of self’. Madalas, kung ano ang sinusubaybayan, kinokonsumo, at ini-idolo sa labas ng sarili at sa social media, ang nagiging naisin, gawi, kaisipan, at bukambibig ng isang tao. Ito rin ang naglalayo sa isang tao upang magkaroon ng maliwanag at malalim na pagkakaintindi sa kanyang sarili. Nagiging dahilan rin ito ng pagkakalayo sa personal na realidad, o ang tinatawag na sense of personal reality.
Ang anxiety, insecurity, pag-aalinlangan o kawalan ng kasiguruhan (uncertainty) ay normal na pinagdadaanan at nararanasan ng lahat ng tao sa mundo, ngunit ang hindi normal ay ang baliwalain, o dedmahin ito. Ang mga ito, sa una, ay maaaring isang iritasyon, balakid, at hindi kanais-nais na pakiramdam, ngunit ang mga ito rin ang susi at daan sa mas tunay, malakas, at mabuting pagkakakilala sa sarili. Ang mga ito, kung pagtutuunan ng pansin ng may bukas na isip at pasensya sa sarili, ay pagmumulan ng pangmatagalang pansariling kapayapaan (self-peace), pagkakakilala sa sarili (self-awareness), tiwala at kompyansa (trust and confidence) na ang bawat nilalang ay may kakayanang maabot ang kanilang tunay na potensyal.
Daang May Liwanag
Paano mo bibigyang pansin ang sarili mong anxiety sa paraang magbibigay sa iyo ng liwanag at daan upang pagalingin ito at gamitin sa iyong advantage?
- I-acknowledge ang anxiety, pag-aalinlangan, o takot. Ito ang unang hakbang upang ang nararamdaman ay makita ng may linaw. May kasabihan na kung ano man ang nagdudulot ng dilim sa sarili, ay dapat na dalhin sa liwanag ng kamalayan. ( What causes darkness inside must be brought to the light of consciousness.) Ang pagiging aware sa nararamdaman ang unang hakbang sa pagkakaroon ng daan kung paano haharapin o iha-handle ito. Dito madalas nagkakamali ang karamihan, lalo na kung pipiliing baliwalain o dedmahin ang kung ano mang nararamdaman, na madalas ay bumabalik ng mas masidhi o mas grabe pa sa una.
- Suriin ang sarili o pagnilayan ang nararamdaman. Saan ito nagmumula? Mahalagang maintindihan natin na ang pagninilay sa nararamdaman ay tanda ng malusog na kamalayan at pag-iisip. Ito rin ay tanda ng tapang at kahandaang ituwid ang anumang kamalian na nagmumula sa sarili. Hindi dapat kailanman isipin na ang pagharap o pagninilay sa anxiety o alinmang nararamdaman ay isang kahinaan. Ang kahinaan ay ang pagtalikod sa sarili o ang pagbaliwala sa sariling nararamdaman. Balikan ang examples sa “Pinagmulan o Sanhi” sa taas ng blog post. May mga nasabi ba sa iyo na nag-trigger ng anxiety? Anong kaganapan, usapan, o nakita ang nagsilbing trigger at bakit naging dahilan ito ng nararamdaman mong takot?
- Pahalagahan ang pagbabalik tanaw at alaala. Ang alaala natin ay isa sa pinaka importanteng tulong sa pagkakaroon ng payapang puso at malayang kaisipan. Malimit na ang pinagmumulan ng anxiety o takot ay mga kaganapang nangyari sa nakaraan. Ang mga trauma, lalo kung ito ay naganap sa pagkabata at hindi na-resolba o nai-process sa isip at damdamin, ay bumabalik sa pagtanda. Minsan, ito ay nananatili sa hindi malay (o subconscious) ng isang tao, at habang naririto ito, maaaring maka apekto ito sa kanyang pang araw-araw na pamumuhay. Ang mga gawain, desisyon, reaksyon, at komunikasyon ay nai-impluwensyahan ng anxiety at takot. Mahalagang balikan sa alaala ang mga karanasang pinagmulan ng trauma, hindi para saktan muli ang isip at sarili, kundi para palayain ang anuman emosyon at sakit na dinanas mula dito. (There will be a dedicated article discussing healing trauma in the memory.)
- I-process ang anxiety o trauma sa isip at puso sa pamamagitan ng mga praktikal / o medikal na pamamaraan. Depende sa lalim at sidhi ng pinagdaanang trauma, may mga paraan upang mai-process ang mga ito. Sa mga kasong masidhi, gaya ng mahabang physical/emotional/ o mental abuse, rape, torture, o pagkaka-alipin (slavery) nararapat dito ang medikal na atensyon at sistema ng paghilom. Ang mga mental health professionals gaya ng mga Psychologist at Psychiatrist ang tamang lapitan para sa mga masidhing level ng anxiety.
Sa dulo ng blog post na ito ay may mga contact information ng Mental Health awareness organizations na makakatulong sa pag-connect sa mga mental health professionals. May hotlines din na maaring tawagan sa mga nangangailangan ng tulong at gabay.
Shame. Abandonment. Neglect. Failure.
Pagkapahiya. Pagka-abandona. Pagpapabaya. Pagkabigo.
Sa mga salitang nabanggit sa itaas, sigurado akong lahat ng nabubuhay sa mundo ngayon ay nakaranas na ng isa o higit pa sa mga ito. Maaaring hindi kasing sidhi, ngunit ang apat na ito ay totoong pinagmumulan din ng anxiety. Kapag dumanas ka ng pagkapahiya (Shame), pagka-abandona (Abandonment whether physical or emotional), pagpapabaya (Neglected) pagkakabigo (Failure), may mga maaaring gawin na madali at praktikal na paraan upang mai-process ito. Ang pagtatanong sa sarili kung bakit ito ang nararamdaman mo sa pag-alaala sa iyong dinanas ay isang simula ng paghilom.
Bakit ako nakakaramdam ng pagkapahiya?
Bakit ako nakakaramdam ng pagka-iwan o abandoned?
Bakit ako nakakaramdam ng pagkabigo o ng failure?
Bakit ako nakakaramdam ng pagpapabaya o ng neglect?
Ano ang pwede kong gawin para maiwasan ito sa hinaharap? May mga pwede ba akong baguhin sa aking sarili para mas maging handa at matatag ang isip at puso ko sa hinaharap?
Pagsisiyasat ng Sarili: Introspection at Pagninilay o Reflection
Ang pagninilay (reflection) o tinatawag na ‘introspection’ ( pagsisiyasat ng sarili ) ay isang napakahalagang gawain para i-angat at pabutihin ang sarili. Mahalagang magkaroon tayo ng pagkakataon at oras, para suriin ang ating nararamdaman at naiisip. Ngayon higit kailanman, dapat nating gawan ng puwang o oras ang pagkakaroon ng ‘quiet time’ o oras para sa sarili nating reflection. Sa lakas ng impluwensya ng gadgets at social media sa mga Pilipino, mapapa-isip ka kung aware ba sila sa oras na ginugugol nila gamit ang kanilang smart phones. At kung sa loob ng 24 oras ay naiisip ba nila na kailangan nila ng oras para sa kanilang sariling damdamin at kaisipan na hindi nakakabit sa gadget.
Importante ang awareness na kung hindi ka gumagawa ng oras o puwang para ramdamin at alamin kung ano ang nasa puso at isip mo, ito ay maaring maging dahilan kung bakit minsan ikaw ay ‘lost’ o kung bakit parang may mali na hindi mo maipaliwanag.
Ang Kapangyarihan ng Journaling (diary) – Pagsusulat ng mga Nararamdaman at Naiisip
May madali, libre, at napaka epektibong paraan para maintindihan, mabawasan o mapagaling ang nararamdamang anxiety. Marami sa atin ang hindi alam na ang pagsusulat sa papel ng ating mga saloobin at naiisip ay hindi lamang nakakatulong na mai-process ang anumang negatibong karanasan, mabigat na saloobin, o mga bagay na gumugulo sa kaisipan. Ito rin ay mabisang paraan upang paunlarin ang ating personalidad at palalimin ang pagkakakilala sa sarili.
Kapag isinusulat mo sa papel ang mga bagay na nararamdaman at naiisip mo, gumagawa ka ng puwang para mailipat ito sa labas ng iyong sarili na magpapa-gaang sa iyong puso at isip. Sa halip na manatili sa iyong isip at katawan ang kung anu mang bagay na nagdudulot ng anxiety o kaguluhan sa iyong isip at damdamin naisasalin mo ito sa papel kapag isinusulat mo ito.
Nagiging daan din ito para makita ang mga nararamdaman, nararanasan, at saloobin sa mas malawak na pananaw. Minsan kung ano man ang pakiramdam sa naranasan natin sa nakaraan ay nababago habang tayo ay patuloy na natututo at nabubuhay. Ang mga na-experience natin na negatibo at mabigat ay nagbabago sa ating pang-unawa kapag nababasa natin ito ng hindi natin hinuhusgahan ang ating sarili.
Gumagawa ka ng puwang para mas maintindihan ang pinanggagalingan, o trigger ng iyong anxiety o takot kapag isinusulat mo ito sa journal, kasama ang iyong mga hangad o hiling para sa iyong sarili. Ang araw-araw na journaling ng mga bagay na mahalaga sa iyong puso at isip ay malaking tulong para mabawasan ang stress at takot, at mas pinapalakas nito ang pagtitiwala at pag-asa.
Pag tayo ay nagsusulat sa Journal, mas lumalalim ang pagkakakilala natin sa ating sarili. Lumalawak din ang pang-unawa sa sarili nating karanasan, positibo man o hindi. Nagiging record book din ito kung paano tayo umuunlad bilang tao. Mapapansin natin na ang mga isinusulat natin dati ay nagbabago at mas nagiging mature o positibo habang lumilipas ang panahon.
Simulan mo na ang Journaling mo. Notebook at ballpen lang ang kailangan mo.
Ngayong may alam ka nang siguradong paraan para matulungan ang iyong sarili kung ikaw man ay nakakaranas ng anxiety – mahalaga na tandaang habang tayo ay nabubuhay sa mundo na laging lumalaki, laging dumadami ang tao, at naghahangad ng mas higit, hindi mai-aalis ang mga bagay na maaring magdulot ng pangamba o takot, ngunit kung ikaw ay may matibay na pagkakakilala sa iyong sarili, hindi ka dapat matakot.
Ang bawat tao ay may karapatan at kakayanang pumili. Walang maaaring mag-alis ng kakayanan mong pumili. Lagi mong piliin ang iyong sarili. Sa kabila ng kahit ano mang takot o pangamba, ikaw ang pinakamahalagang desisyon na gagawin mo sa buhay. Ang pagpili mo sa iyong sarili ay pagpili mo rin na harapin at lampasan ang mga takot o trauma ng nakaraan tungo sa maayos, payapa, at masayang buhay na karapat dapat sa iyo.
